MANILA, Philippines - Napigilan ang planong pagbibitiw sa posisyon ng isang grupo ng mga senior officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ipinalabas na ‘all out justice’ ni Pangulong Aquino laban sa lawless elements ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ito ang inamin kahapon ng isang opisyal hinggil sa muntik ng pagbagsak ng liderato ng AFP dahil umano sa mabagal na pagdedesisyon ng Malacañang na maglunsad ng ‘selective operations’ vs MILF rogue elements.
“If you’re the President, you must be decisive in your action, ipakita na he’s for the welfare and well being of his troops as the Commander in Chief, that justice must be served in these areas, for no one is above the law,” giit ng isang opisyal na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Idinagdag pa nito na hindi na dapat pag-usapan pa ang destabilisasyon dahil nakabawi na ang Pangulo sa all out justice at kuntento na ang tropa sa isinasagawang operasyon upang panagutin sa batas ang mga pasaway na MILF rouge elements.
Target ng operasyon ang grupo ng wanted na si MILF Commander Dan Laksaw Asnawi na nasa likod ng pananambang at pagkakapatay sa 19 sundalo sa Brgy. Cambug, Al Barka, Basilan noong Oktubre 18.
Sa serye ng ambus mula Oktubre 18 hanggang 21 ay 40 ang kabuuang nasawi, 27 rito ay sundalo, tatlo ang pulis habang ang nalalabi pa ay mga sibilyan sa madugong mga insidente sa Basilan, Zamboanga Sibugay at Lanao del Norte.