MANILA, Philippines - Nagpalabas ngayon ng subpoena ang Department of Justice (DOJ) laban sa dalawang anak ni dating Pagcor Chairman Efraim Genuino kaugnay sa P3.1 milyon malversation case na isinampa laban sa kanila.
Sa isang-pahinang subpoena na pinirmahan ni prosecution lawyer Mary Jane Sytat, inatasan ng DOJ si Erwin at Anthony Genuino na lumutang bago ang preliminary investigation sa ikalawang palapag ng DOJ Annex Building 2 sa Maynila sa Huwebes, sa ganap na alas-8:30 ng umaga.
Inatasan din ang dalawa na magsumite ng kanilang counter affidavit hinggil sa reklamo na isinama ng kasakuyang Pagcor chairman na si Jorge Sarmiento noong Hulyo.
Sa reklamo ni Sarmiento, 300 metric tons ng bigas umano ang nai-donate ng Japan’s Aruze Corporation noong 2008 na ginamit diumano sa electoral campaign ng dalawa noong May 2010 elections.
Bukod sa mga Genuino, kasama sa mga respondents sina dating Pagcor senior vice president for corporate communications Edward King at Los Baños City administrator Mai Mai Tado, na isang opisyal ng Trace Computer College na pag-aari umano ng mga Genuino.