MANILA, Philippines - Nagpiyansa na kahapon si dating military comptroller Jacinto Ligot at kanyang asawang si Erlinda ng halagang P160,000 para sa apat na bilang ng kasong tax evasion sa Court of Tax Appeals (CTA).
Lumantad ang mag-asawang Ligot matapos ang ilang araw na pagtatago sa batas bunsod ng pagpapaaresto sa kanila matapos na makitang may sapat na batayan o probable cause para idiin ang mga ito sa paglabag sa National Internal Revenue Code dahil sa tangkang iwasan na magbayad ng tamang buwis sa pamahalaan para sa taong 2002 hanggang 2004.
Niliwanag naman ni Atty. Emiliano Bantog, abogado ng mga Ligot, na ang kanyang mga kliyente ay hindi nagtatago sa batas dahil nalaman lamang ng mga ito na sila ay pinaaaresto noong nakaraang Biyernes dahil sa media.
Si Justice Secretary Leila de Lima ang nag-utos na hulihin ang mag-asawang Ligot makaraang magpalabas ng arrest order ang CTA noong nakaraang linggo kaugnay ng pagkabigo ng mga ito na ireport ang kanilang income tax return para sa taong 2003 at ibang kita na may halagang P87,918,732.36 (Mr. Ligot) at P77,449,052.03 (Mrs. Ligot), o may kabuuang P165 milyon.
Niliwanag din ni Bantog na hindi na kailangang magpalabas pa ng kautusan ang Department of Justice para hadlangan na makalabas ng bansa ang mag-asawa dahil ang mga ito ay lumantad na at handang harapin ang kaso sa bansa.