MANILA, Philippines - Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na hindi pa umano nakakalabas ng bansa sina dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Comptroller Jacinto Ligot at misis nitong si Erlinda.
Ang paniniyak ay ginawa ni Justice Secretary Leila de Lima, batay sa report ng Bureau of Immigration na nasa Pilipinas lamang ang mag-asawang Ligot.
Ang mag-asawang Ligot ay pinaghahanap ng mga awtoridad sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Court of Tax Appeals (CTA) dahil sa patung-patong na mga tax evasion cases.
Una na ring ipinag-utos ni Sec. De Lima sa National Bureau of Investigation (NBI) ang manhunt operation laban sa mag-asawa.
Maging ang Philippine National Police at iba pang law enforcement agency ay bumuo na rin ng tracking team laban sa dalawa.
Nagbabala rin ang Malacañang sa mga posibleng nagkakanlong sa mag-asawang Ligot na mahaharap ang mga ito sa kasong obstruction of justice at harboring of criminals.