MANILA, Philippines - Dahil marami pa rin ang nagsasamantala sa mga patay na pinagnanakawan kahit nasa loob na ng nitso, nais ni Senator Miriam Defensor-Santiago na itaas ng hanggang 40 taong pagkakakulong ang parusa sa mga tinawag na “grave robbers” o mga magnanakaw sa loob ng sementeryo.
Sa Senate Bill 1689 na inihain ni Santiago, sinabi nito na patuloy pa ring nagiging problema ang grave robbery kung saan ninanakaw ang mga alahas o regalo na inilalagay sa mga ataul.
“Grave robbery has always been a problem since time immemorial. In a culture as rich as ours, we have always honored our dead with many gifts to commemorate their lives as well as graves fit to be their final resting place,” sabi ni Santiago sa kaniyang panukala.
Ayon pa sa senadora, sa isang bansa na katulad ng Pilipinas kung saan ikinokonsiderang national holiday ang paggunita sa araw ng mga patay, dapat lamang na magkaroon ng batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga lumalapastangan sa mga yumao.
Nais ni Santiago na magkaroon ng kahiwalay na batas sa ilalim ng Revised Penal Code na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga nagnanakaw ng mga mahahalagang bagay hindi lamang sa mga bangkay kundi maging sa loob mismo ng sementeryo.
Sa kaniyang panukala na tatawaging Anti-Grave Robbers Act sakaling maging isang ganap na batas, ibabase ang parusa sa halaga ng mga ninakaw sa sementeryo o nitso kung san ang minimum na parusa ay anim na taon hanggang 12 taon samantala ang maximum na parusa ay mula 20 hanggang 40 taon.