MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III na tutugisin at mananagot sa batas ang mga sangkot sa pagpaslang sa mga sundalo at pulis sa Mindanao sa pamamagitan ng ‘all-out justice’ at hindi ‘all-out war’ laban sa mga pumaslang sa mga sundalo sa Mindanao.
Sinabi ni Pangulong Aquino, bagama’t hindi siya pabor sa paglulunsad ng ‘all out war’ laban sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay iniutos nito ang pagtugis sa mga sangkot sa pagpatay sa mga sundalo at pulis sa Basilan, Zamboanga Sibugay at Lanao del Norte.
“I have instructed intensified operations against all these criminal elements. The mailed fist of the state will be brought to bear upon them so that justice may be served. There is no question that the state will find them. The only remaining question is when.,” wika pa ni PNoy.
Ipinangako din ng Pangulo sa kaanak ng mga sundalong nasawi na sa darating na linggo ay isa-isang mananagot sa batas ang mga gumawa ng krimen sa mga bayaning sundalo.
“Maipapangako po namin sa inyo na sa darating na mga linggo, isa-isang mananagot ang mga kriminal na ito, habang tuloy-tuloy naman ang pag-aaruga natin at pagbibigay serbisyo sa mga mamamayang maaaring maapektuhan ng situwasyong ito,” wika pa ng Pangulo.
Ginawa ni PNoy ang pahayag matapos ang ipinatawag na security cluster meeting sa Malacañang.
Hindi aniya dapat na magpadalos-dalos sa desisyon lalo na at marami rin ang hindi sangkot sa MILF at maraming mga sibilyan ang madadamay.
Hindi umano mawawala sa pokus ang administrasyon at ito ay sa pamamagitan ng peace talks sa halip maglulunsad na giyera ay maglulunsad ang gobyerno ng intensive operation laban sa mga suspek na nasa order of battle.
Samantala, nanawagan ang mga kongresista sa mga senador at lider ng iba’t ibang organisasyon na tumigil na sa panawagang all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front na maglalagay umano sa bingit ng alanganin sa buhay ng maraming sibilyang Muslim.
Nilinaw ni Lanao del Sur Rep. Pangalian Balindong na suportado ng mga kongresistang Muslim ang surgical operations sa Mindanao upang maparusahan ang nasa likod ng pamamaslang sa mga sundalo sa Basilan at Zamboang Sibugay.
Sinabi naman ni Tawi-Tawi Rep. Nur Jaafar na dapat iwasan ang giyera. “The future of our nation and our people depends on our leaders having the courage to say ‘no to war.’ We believe that peace in Mindanao is possible. We must all seize the current opportunity to walk on the path of peace. The alternative path is too horrible to comprehend.”
Ayon naman kay Basilan Rep. Jim Hataman na dapat suriin ang ceasefire agreement upang malaman kung mayroong mga dapat na amyendahan dito.