MANILA, Philippines - Sa gitna ng sunud-sunod na trahedyang nangyari sa loob mismo ng ilang malls sa bansa, iginiit ng ilang senador na dapat na silang magkaroon ng sariling ambulansiya.
Ayon kay Senator Gregorio “Gringo” Honasan, dapat ay may sariling ambulansiya ang mga malls upang maisugod kaagad sa pinakamalapit na ospital ang sinumang maaaksidente sa kanilang establisimyento.
“I agree. Kaya namang mag-provide ng mga ambulansiya ng mga malls,” sabi ni Honasan.
Maging sina Senators Ramon Bong Revilla Jr., at Jose “Jinggoy” Estrada ay pabor na maging compulsary sa mga malls ang pagkakaroon ng sariling ambulansiya.
Sinabi ni Revilla na malaki naman ang kita ng mga malls at kayang-kaya na nilang bumili ng sariling ambulansiya.
Inihayag naman ni Estrada na sunud-sunod na insidente ng patayang nangyayari sa loob ng mga malls, dapat ay may nakahandang ambulansiya upang maisugod kaagad sa ospital ang mga biktima.
Matatandaan na kumalat sa internet ang video ng dalawang teen-agers na ang isa ay binaril at ang isa ay nag-suicide sa loob ng isang mall sa Pampanga kung saan buhay pa ang mga ito at gumagalaw pero hindi kaagad dinala sa ospital.
Bukod sa mga napaulat na patayan at nag-suicide sa loob ng malls, may mga jewelry stores din sa loob nito ang pinapasok ng “martilyo gangs” kung saan nagkakaroon ng barilan at may mga namamasyal na nadadamay.