MANILA, Philippines - Dapat bigyang daan ng gobyerno ang pagsuspinde sa ceasefire sa hanay ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Basilan sa gitna na rin ng pakikilahok ng mga ito sa madugong bakbakan noong Martes sa bayan ng Al Barka na ikinasawi ng 19 sundalo habang 14 pa ang sugatan.
Ito ang nagpupuyos sa galit na opinyon ni Army spokesman Col. Antonio Parlade Jr. sa nasabing ipinakitang katrayduran ng MILF sa pinaiiral na ‘ceasefire mechanism’ kaugnay ng isinusulong na peace talks.
Ipinahiwatig ni Parlade na dapat maramdaman ng gobyerno ang emosyon ng mga sundalong namatayan ng mga kasamahan na magsilbing daan sa pagpapaigting pa ng ipinatutupad na batas sa lalawigan.
“I’m sure hindi po ito ang huling pagkakataon o huling insidente na mangyayari kasi like I said I think this is the 8th or 9th time na ginawa nila ito everytime na meron kami ma-engage na Abu Sayyaf suddenly nagkakaron ng MILF dun sa lugar so eto lang po solution dyan,” punto pa ni Parlade.
Kabilang sa tinutukoy ni Parlade ang ginawang pamumugot ng nagsanib puwersang Abu Sayyaf at MILF sa 10 sa 14 nasawing miyembro ng Marines sa Brgy. Guinanta, Al Barka, Basilan noong 2007.
Sinabi pa ni Parlade na karumal-dumal din ang sinapit ng anim na nabihag na sundalo na matapos pagbabarilin sa kabila ng patay na ay pinagtataga pa ng MILF rebels na umayuda sa labanan sa mga bandidong Sayyaf nitong Martes.
Ang bangkay ng anim na bihag ay narekober kamakalawa sa nasabing bayan habang ang dalawa pa ay sugatang nailigtas.
Sa Kamara ay nanggagalaiti rin sa galit sina Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, Zamboanga Rep. Maria Isabelle Climaco at Antipolo Rep. Romeo Acop kaya ipinasususpendi nila ang usapang pangkapayapaan habang hindi pa napaarusahan ang mga nagkasala.
Gusto naman ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay na bumuo ng joint committee upang imbestigahan kung sino ang lumabag sa ceasefire agreement.