MANILA, Philippines - Nagparamdam na ang kampo ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa posibleng pag-alis nito upang makapagpagamot sa ibang bansa.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., na nag-text sa kanya si Len Bautista, ang spokesperson ni Arroyo.
“I think they (Arroyo’s camp) are preparing to go. I got text from Len asking me if it is possible to bring along a nurse (when I issue travel authority),” ani Belmonte.
Si Arroyo ay mayroon umanong hypoparathyroidism na natuklasan ng mga doktor matapos siyang operahan dahil sa pinch nerve. Ang hypoparathyroidism ay isang sakit kung saan ang katawan ng tao ay hindi nakagagawa ng sapat na calcium para sa buto.
Nauna nang nagpalabas ng travel authority ang tanggapan ni Belmonte para kay Arroyo para makapunta sa United States, Germany at Switzerland mula Setyembre 18 hanggang Oktubre 6.
Handa rin umanong amyendahan ni Belmonte ang travel authority ng dating pangulo kung sakaling ma-expire ito at hindi siya magiging mahigpit kung ang kalusugan ang nakataya samantalang magiging matulungin din umano siya kung kinakailangan.
Naniniwala si Belmonte na babalik sa bansa si Arroyo taliwas sa pahayag ng ilang kritiko na ginagamit nito ang sakit upang matakasan ang mga kaso laban sa kanya.