MANILA, Philippines - Binawi na ng Philippine National Police (PNP) ang Permit To Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) ng AK 47 assault rifle ni Presidential Adviser for Political Affairs Ronald Llamas na nakuha sa kanyang mga bodyguard sa Quezon City kamakailan.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. na iniutos na ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na kanselahin ang PTCFOR ng AK 47 ni Llamas na nahuli sa mga bodyguard nitong sina Joey Tecson, ang driver ng Montero at John Alarcon.
“The AK 47 assault rifle PTCFOR has been revoked because it’s a subject of ongoing investigation, it’s a material evidence on the case,” ani Cruz kung saan ang nasabing baril ay isusurender na anumang oras ni Llamas kay QC Police District Director P/Chief Supt. George Regis.
Pinakakasuhan din si Reagan Lita at isa pang hindi natukoy na kasamahan ng mga ito.
Pinasasampahan na rin ni Bartolome ang apat na boydguard ng kasong paglabag sa PD 1866 o illegal possession of firearm at karagdagang kasong obstruction of justice matapos makitaan ng pagdadala ng 7.62 high powered rifle. Ang nasabing mga armas ay nahuli sa behikulo ng dalawa habang ang dalawa pa na lulan naman ng isa pang behikulo ang naglipat at nagtakas ng naturang mga armas.
Sabi ni Regis, malinaw anya sa mga footage na nakita nila na itinago ang mga armas nang mangyari ang aksidente, at ito ang ugat ng pagsasampa nila ng kaso.
Ang apat na bodyguards ni Llamas ay nasangkot sa banggan sa QC noong Setyembre 30 kung saan nahulihan ang mga ito ng isang AK 47 at cal. 45 pistol matapos na mag-joyride habang nasa ibang bansa si Llamas.