Debate sa RH bill, tigil muna

MANILA, Philippines - Plano ng liderato ng Senado na itigil muna ang debate tungkol sa kontrobersiyal na Reproductive Health Bill at ituloy na lamang ito sa 2012 dahil halos 60 panukalang batas na ang nakabitin o natetengga.

Ayon kay Senate Majority Leade Vicente “Tito” Sotto III, napakarami ng panukalang batas ang nabibitin dahil sa pagbi­bigay ng prayoridad ng Senado sa RH bill.

Ikinatuwiran ni Sotto na bilang chairman ng Senate Committee on Rules, dapat din niyang ikalendaryo ang pagta­lakay sa ibang nakabinbing panukalang batas.

Ayon kay Sotto na kung kokontra sina Senators Miriam Defensor Santiago at Pia Caye­tano, tiyak na aangal din ang mga senador na naghihintay na matala­kay ang kanilang mga panukalang batas na may  pambansang impor­tansiya.

“Kapag may umangal na (author ng panukalang) batas na hindi nate-take up, aangal lahat ito o sesenta nakapila, bills on second reading lahat iyan, walang local (bills) national lahat,” ani  Sotto.

Sinabi pa ni Sotto na lahat naman ng mga pa­nukalang batas ay maha­laga kaya hindi dapat ubusin ang oras ng Senado sa iisang panukala lamang katulad ng RH BIll.

Bago ang pahayag ni Sotto sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile isasantabi na muna ang RH bill dahil sa pagbabalik ng kanilang sesyon sa Nobyembre ay uunahin ang pagpasa ng P1.8 trilyong national budget para sa 2012.

Show comments