MANILA, Philippines - Binalaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang publiko laban sa mga nagpapanggap na ahente ng kanilang tanggapan para sa kanilang iligal na aktibidad at makapanloloko ng tao.
Aksyon ito ng kagawaran matapos na limang kalalakihang nagpanggap na mga operatiba ng PDEA ang umano’y nangholdap sa dalawang managers ng kilalang pawnshop.
Ayon kay PDEA Undersecretary Jose S. Gutierrez, Jr., ito ang pangatlong pagkakataon na nangyari ang nasabing insidente.
Iginiit ni Gutierrez na ang PDEA ay sumusunod sa standard operating procedures o SOP sa pagsasagawa ng legitimate search operations at check-points.
Patakaran na rin anya ng PDEA anti-drug operations na makipag-coordinate sa lokal na pulisya at ang search operations ay laging may kaakibat na search warrants na galing sa korte.
Hinikayat din ni Gutierrez ang publiko na i-report sa PDEA ang kahalintulad na modus operandi na nagpapanggap na PDEA agent sa panloloko.