MANILA, Philippines - Kinumpirma ng isang opisyal ng National Statistics Office na malaking porsyento ang itinaas ng mga produktong ineeksport ng Pilipinas tungo sa mga katabing bansa nito.
Ayon sa pahayag ni NSO Administrator Carmelita Ericta sa programang Talking Points ng Radyo ng Bayan, tumaas ng 84% ang eksport ng bansa sa Japan at 38.7% naman sa China ngayong taon kumpara noong 2010.
Bukod dito, nagkaroon din ng magandang eksportasyon ang bansa sa Taiwan, Korea at Hong Kong.
Inihayag ni Ericta ang mga produktong ineeksport ng Pilipinas sa mga nabanggit na bansa tulad ng ginto, wood craft, furniture, saging, pananamit, at higit sa lahat ang iba’t ibang produktong gawa sa nyog.
Sinigurado naman ng isa pang panauhin sa programa na si National Statistical Coordination Board Secretary Romulo Virola na lahat ng prosesong pinagdadaanan ng eksportasyon ay naayon sa mandato ni Pangulong Benigno Aquino III.
Hindi naman itinanggi ni Ericta na bumaba ang eksport ng bansa sa produkto tulad ng elektroniks at serbisyo o lakas paggawa.
Sa kabila ng paglobo ng populasyon ng Pilipinas na nasa mahigit 90M, maganda parin ang tanaw ng NSO sa magiging kinabukasan ng bansa pagdating sa eksportasyon ng iba’t ibang produkto at serbisyo.