MANILA, Philippines - Ipinatupad kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang “price freeze” sa lahat ng pangunahing bilihin sa mga lugar na nasa “state of calamity” upang proteksyunan ang publiko sa pagsasamantala ng mga negosyante.
Sinabi ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya na ito ang naging resulta ng pulong nila kahapon sa mga supermarket owners kasama ang Department of Agriculture ukol sa sitwasyon ng mga lugar na matinding tinamaan ng bagyong Pedring at Quiel.
Nangangahulugan umano ang “price freeze” na hihinto ang halaga ng pangunahing bilihin sa “ceiling” na itinakda ng DTI base sa “suggested retail price”.
Kasama sa mga pangunahing bilihin ang bigas, baboy, manok, isda, gulay, asukal, man tika, gatas, mga de-lata, sabong panligo at panlaba, kandila, tinapay, at uling. Hindi naman kasama dito ang mga “bottled water” na hindi pa umano naisasama ng Kongreso sa Price Act.
Mahigpit umano ang ginagawang pagbabantay rin ng DTI katuwang ang DA at mga lokal na pamahalaan sa imbentaryo ng suplay sa mga lugar na nasa kalamidad na umano’y tatagal pa ng isa hanggang dalawang linggo. Titiyakin rin umano ng DTI na magdidire-diretso ang daloy ng suplay ng pagkain at ibang produkto upang hindi maapektuhan ang kalagayan ng mga mamamayan.