VAT exemption sa tollways lusot sa House

MANILA, Philippines - Hindi na papatawan ng 12 porsiyentong Value Added Tax (VAT) ang mga tollways sa buong bansa.

Ito’y matapos na aprubahan ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong i-exempt ang tollways sa pangongolekta ng 12% VAT.

Sa ginanap na pagdinig kahapon ng House Committee on Ways and Means, “unanimous” ang boto ng mga kongresista na aprubahan ang House Bill 5303 na isinampa ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino na naglalayong amyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997.

“The committee has listened to the people’s clamor & has taken the first step in correcting the anomalous tax on tax that the BIR (Bureau of Internal Revenue) has imposed and which the SC (Supreme Court) has upheld...We will definitely push for Congress to pass this on third reading before the break,” ani Casino.

Sinabi ni Casino na kung nagawa ng Kamara na aprubahan ang pagtataas sa VAT sa 12 porsyento sa loob ng dalawang linggo, ay mas dapat na maging mabilis ito sa pag-apruba ng probisyon na magbibigay ng exemption.

Sa Oktubre 15 magsisimula ang break ng Kongreso at muling magbabalik sa Nobyembre 13.

Noong Oktubre 1 ay sinimulan na ang panini­ngil ng Vat sa toll at ayon kay BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares kikita ang gobyerno dito ng P2.3 bilyon hanggang P3 bilyon kada taon.

Sinabi naman ni Speaker Feliciano Belmonte na pag-aaralan ng liderato ng Kamara ang panukala. “We have to study that very carefully... meron naman kaming kino-consult on fiscal and economic measures.”

Sa Senado ay nasa committee level pa ang kaparehong panukala na inakda ni Sen. Ralph Recto.

Show comments