MANILA, Philippines - Palalawakin pa ng liderato ni Pangulong Benigno Aquino III ang programa sa pagpapatubig para sa maliliit na magsasaka sa mga lugar na hindi naaabot ng national irrigation systems.
Alinsunod sa adhikain ng Pangulo na mapaunlad ang industriyang pang-agrikultura, patuloy na tutulong sa mga magsasaka na magtayo pa ng mga naturang alternative irrigation systems.
Ayon kay Bureau of Soil and Water Management Executive Director Silvino Tejada, napakahalagang matulungan ang mga magsasaka lalo na sa mga komunidad na walang patubig dahil kung hindi’y wala silang aanihin at maapektuhan ang national food output at pambansang seguridad.
“Hindi sila makapagtatanim nang husto kung walang sapat na patubig kaya iyan ang isa sa prayoridad ng Kagawaran ng Agrikultura sa ilalim ni Kalihim Proceso Alcala,” sabi ni Tejada.
Napatunayan na ang Small Water Impounding Projects na naitayo noon ng Department of Agriculture at ng BSWM ay epektibo sa may matinding wet and dry seasons tulad ng northern Philippines. Sa tag-ulan, ang excess water ay nakokolekta ng SWIPs at nagagamit sa dry season,” ani Tejada.
Umabot sa P3 bilyon ang halaga ng naipatayong 2,060 SWIPs sa buong kapuluan mula 1974 hanggang 2010 na sumaklaw sa 84,168 ektaryang lupain para sa 64,266 farmers.