MANILA, Philippines - Pinakikilos ni Negros Occidental 3rd district Representative Alfredo Benitez ang pamahalaan kaugnay sa umanoy pagdagsa ng mga imported na asukal na posibleng dahilan upang malugi ang mga nagtatanim ng tubo sa bansa.
Sinabi ni Benitez, ka ilangan ng isang polisiya ng Pilipinas upang mapalakas ang sugar industry ng bansa bilang paghahanda sa ASEAN Free Trade Area-Common Effective Preferrential Treatment (AFTA-CEPT) kung saan hindi umano malayong dagsain ng imported na asukal ang Pilipinas sa taong 2015.
Idinagdag pa nito na sa kasalukuyang panahon ay nararanasan na ng industriya ng asukal sa bansa ang epekto ng pagbaha ng imported na asukal sa merkado kung saan mas mahal ang bentahan ng asukal mula sa lokal na magsasaka.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, ang tariff rates sa mga imported na asukal mula sa mga miyembro ng ASEAN countries ay mababawasan ng 28 porsiyento sa susunod na taon.
Habang sa taong 2013 ay magiging 18 porsiyento; 10 porsiyento sa 2014 at 5 porsiyento sa 2015.
Iginiit pa ng nasabing mambabatas na dapat tularan ng Pilipinas ang ginagawa ng bansang Thailand na gumawa ng polisiya at programa para maprotektahan ang lokal na manggagawa nito at maging ang buong industriya ng asukal sa nasabing bansa