MANILA, Philippines - Matagumpay nang nailigtas ng pamahalaan ang dalawa sa apat na Pinay na kasambahay ng pamangkin ng pinatalsik na si Libyan President Moammar Gadhafi sa Libya.
Kinumpirma kahapon ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na hawak na ng Embahada ng Pilipinas sa Tunisia sina Diana Jill Rivera at Mary Ann Ducos matapos na makapuslit sa bahay ng pinagtatrabahuang pamangkin ng wanted na si Gadhafi sa Libya.
Sa report ni Ambassador Alejandrino Vicente, ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli, nailikas na sa Djerba, ang katimugang bahagi ng Tusinia sina Rivera at Ducos at tinutulungan na ng embassy team na maproseso ang kanilang repatriation o pag-uwi sa bansa.
Ayon kay Hernandez, nagawang makipag-ugnayan ng gobyerno sa panig ng bagong Libyan government at mga rebelde sa pamamagitan ng diplomatic channel upang matiyak na ligtas na makakalabas sa mga kritikal na lugar sa Libya ang dalawang Pinay.
Nang makakita umano ng pagkakataon ang dalawa ay agad na tumakas sa bahay ng amo at pilit na tinunton ang kinaroroonan ng mga nag-aantabay na Embassy team at mga miyembro ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) na pinamumunuan ni Labor attache Nasser S. Mustafa at dalawang sasakyan malapit sa bahay ng kanilang amo sa Libya. Nang mapasakamay ng Embassy team ang dalawa ay agad silang lumikas patungong border ng Tunisia.
Nagkaroon umano ng maraming pagbisita at paniniktik ng grupo ni Mustafa sa paligid ng bahay na kinaroroonan ng mga Pinay bago ang rescue operations.
Nabatid na nakaalis ang dalawang Pinay sa bahay ng kanilang amo nang walang nakuhang mga personal na gamit dahil sa pagmamadaling makatakas.
Sinabi ng DFA na inaasahang makakauwi sa Pilipinas ngayong linggo sina Rivera at Ducos habang inaayos na ng Embassy sa Tunisia ang kanilang bookings.
Samantala, ang dalawang natitirang Pinay na sina Zenaida Labungen at Racquel Dadang na nagtatrabaho din sa isang kaanak ni Gadhafi ay nagpahayag umano na mananatili sa Libya.