MANILA, Philippines - Nagsasagawa na ng beripikasyon ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa lahat ng operators na nag-apply ng prangkisa para sa Loterya ng Bayan (PLB) upang matiyak na hindi sila kasosyo ng mga talamak na jueteng operators sa bansa.
Ayon kay PCSO Board member Ma. Aleta Tolentino, masusi nang inaalam ng kanilang Intelligence at Supervirsory and Monitoring groups ang mga pangalan ng operators na nagsumite ng aplikasyon sa PLB.
Nilinaw ni Tolentino na bagaman nakatakdang buksan ang operasyon ng PLB, wala pa silang inaaprubahang ‘permit to operate’ habang sumasailalim sa evaluation sa mga aplikante mula sa iba’t ibang kumpanya at indibiduwal upang masiguro na hindi sila sangkot sa ilegal na operasyon ng jueteng sa bansa.
Ang hakbang ng PCSO ay kasunod sa alegasyon na karamihan umano sa mga nag-apply ng PLB franchises ay mga jueteng lords.
Isiniwalat kamakailan ni dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na may mga pribadong korporasyon ang nagsumite ng aplikasyon para sa PLB franchise subalit ang mga ito umano ay dummies lamang ng mga jueteng lords at maging ng ilang politiko.
Sinabi ni Cruz na kinilala ng mga sources nito ang ilan sa mga indibiduwal, prominenteng negosyante at Small-Town Lottery (STL) franchise holder na sina Cesar Reyes ng Batangas, isang M. Urduna o Boy Bata, Col. Delos Santos ng Olongapo, Navotas at Malabon; Rina Lim ng Manila, Tony Santos ng Caloocan City, Valenzuela at Rizal; Elmer Nepomuceno ng Pasay at Makati, isang Don Ramon/Boyet Aransa/Haruta ng Laguna; Eddie Gonzales ng Quezon; Elmer Nepomuceno ng Rizal, at isang Don Ramon/ Santiago ng Mindoro Occidental.
Ang mga nabanggit na pangalan umano ay gaya rin ng mga pinangalanan ni Senator Miriam Defensor Santiago sa naganap na Senate inquiry bilang mga top jueteng operators sa bansa.
Sa data ng PCSO, may 230 bagong PLB corporations ang nag-apply sa ahensya habang 23 STL operators ang nagnanais na mag-shift sa PLB operations. May mga humabol pa umanong PLB firms para sa deadline noong Hulyo 15.
“I can categorically say that no one has been given by the Board the authority to operate PLB. The current STL operators, meanwhile, were asked to submit required documents, reports and their book of accounts for monitoring purpose,” ani Tolentino.
Tiniyak ng PCSO na hanggat hindi sila nakasisiguro na walang makikitang butas, ang naturang loterya ay hindi umano ipatutupad.