MANILA, Philippines - Nawala ang pangamba ng 9,000 direktang ma aapektuhan ng Tampakan copper-gold project makaraang magsidalo sa mga pampublikong konsultasyon nitong nakaraang dalawang linggo at maipaliwanag ang pananagutan ng kompanya na magtanim ng mga puno sa miminahing lugar at magtatag ng water treatment facilities na pamamahalaan nang maayos.
Nilinaw ng Sagittarius Mines, Inc. (SMI), ang kinontrata ng gobyerno sa Tampakan copper-gold project, na magpapatupad ito ng responsableng pagmimina at susundin ang lahat ng panukalang pangkapaligiran na isinusulong ng AECOM Phils., ang ikatlong partido ng mga eksperto na nagsagawa ng environmental impact assessment (EIA) para sa Tampakan project.
“The environmental assessment was very scientific and the mitigating measures were very detailed,” ayon kay Datu Eduardo Sulan, pinuno ng South Cotabato Provincial Tribal Council.
“We were very concerned about the potential of landslides in the open-pit area but the mine designs they presented, such as the use of slopes and benches, will help mitigate such problems.”
Ang muling pagtatanim ng mga puno, pagkaistorbo ng mga hayop at halaman at kontaminasyon ng pinagkukunan ng tubig ang maiinit na isyung itinanong ng mga nagsidalo sa pampublikong konsultasyon.