Sibakan sa BOC tiniyak ni Biazon

MANILA, Philippines - Tiniyak ng  bagong Bureau of Customs chief Ruffy Biazon na magkakaroon ng sibakan sa ahensiya upang masiguro na magiging malinis ang transaksiyon at maiwasan ang smuggling.

Ayon kay Biazon, hindi maikakaila na may smuggling na nangyayari sa BOC kung kaya’t ito ang  kanyang prayoridad sa kanyang pag-upo matapos na  manumpa ngayon kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

Sinabi ni Biazon na kailangan na matukoy kung sino ang  nasa likod ng mga katiwalian at smuggling sa BOC tulad na rin ng pagkawala ng  may 2,000  container vans.

Ngayong umaga manunumpa naman si Biazon bilang bagong BOC chief kay Pangulong Benigno Aquino III.

Magugunita na may isang buwan na ang nakakaraan ng ihayag ni Pangulong Aquino na papalitan niya si Alvarez sa BOC dahil hindi siya kuntento sa naging trabaho nito.

Samantala, nagbanta ang Jetti Petroleum na kakasuhan rin si dating Bureau of Customs Commissioner Angelito Alvarez kapag hindi napatunayan ang akusasyon nito ng multi-bilyong “smuggling” ng petrolyo ng kanilang kumpanya.

Sinabi kahapon ni Jetti president, Joselito Maga­lona na hanggang ngayon ay hindi pa sila nakakatang­gap ng kopya ng sinasabing kasong “technical smuggling” na isinampa sa Department of Justice (DOJ) ni Alvarez noon pang Setyembre 8 kaya hindi nila masasagot ang ukol dito. (Doris Franche/Danilo Garcia)

Show comments