MANILA, Philippines - Inireklamo ng Grupong Pagkakaisa ng Manggagawang Transportasyon (GPMT) sa Department of Justice (DoJ) ang tatlong malalaking kumpanya ng langis na Petron, Shell at Caltex dahil sa umano’y hindi makatwirang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Dante Lagman, pangulo ng GPMT, hindi sila naniniwala na walang magagawa ang Malacañang hinggil sa pagtaas ng presyo ng oil products.
Giit ng grupo, nakapaloob sa Chapter 4 ng Oil Deregulation Law na ang Department of Energy-Department of Justice Task Force ay may kapangyarihang duminig ng mga reklamong inihahain ng sinumang indibidwal o grupo na may kaugnayan sa usapin ng produktong langis at enerhiya.
Kailangan aniya ang malalimang imbestigasyon sa naging pahayag ng oil industry players na magtataas na naman sila ng presyo ng kanilang mga produkto ng dalawang ulit kada linggo, dahil sa galaw ng presyuhan ng langis sa global market.
Nais ng grupo na partikular na tingnan ng task force ang libro ng Petron, Shell at Caltex at ipa-reveal ang actual prices ng langis sa world market.
Nangako naman si Justice Sec. Leila de Lima na seryosong iimbestigahan ang reklamo ng grupo.