MANILA, Philippines - Kinilatis umanong mabuti bago ikinonsidera ang mga napiling kandidato bilang officer in charge ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ito ang tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo matapos na magwakas ang diskusyon patungkol sa mga listahan ng mga kandidato sa ARMM.
Ayon kay Robredo, mula sa 111 aplikante o nominee sa posisyon ng Regional Governor at Vice Governor, bumaba ito sa 25 na lamang. Mula sa 25 pangalan, bawat miyembro ay boboto para sa anim na kandidato para governor at apat na kandidato para vice-governor.
Ang lahat anya ay tatanggap ng ti-tatlong boto at awtomatikong makakasama sa shortlist. Pagkatapos ay magkakasundo ang komite na ilabas ang shortlist ng pito hanggang walong kandidato.
Giit ng kalihim, nais lamang nilang ang buong proseso umano ay maging malinaw, napapabilang at siguraduhin na ang sektor ay mahusay na kinatawan.
Samantala, para naman sa posisyon ng Regional Legislative Assembly sa kabuuang 440 applicantions, nabuo ang listahan sa lima hanggang anim na kandidato, depende sa dami ng botante at bilang ng mga nominado bawat probinsya at distrito.
Para malaman ng publiko ang kanilang kandidato, ayon kay Robredo, magkakaroon ng fora sa iba’t-ibang provincial at regional sa Mindanao sa ngayong linggo para mabigyan ang mga kandidato ng karapatang maipresenta ang kanilang legislative agenda sa ARMM.