MANILA, Philippines - Umaabot sa 901 overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait at Saudi Arabia ang matagumpay na napaui sa bansa sa pakikipagtulungan at pagsusumikap ng tanggapan ni Vice President at Presidential Adviser on OFW Concerns Jejomar Binay.
Sa tala ng Overseas Workers Welfare Administration, mula sa nasabing bilang ay 111 kababaihang OFWs ang napauwi mula Kuwait matapos ang matagal nang pagsisiksikan at pananatili sa POLO-OWWA Filipino Workers Resource Center.
May 790 OFWs na stranded sa Hajj Seaport Terminal sa Jeddah, Saudi Arabia ang napabalik na sa kani-kanilang tahanan matapos na ilunsad ang OVP mass repatriation project simula noong Hunyo 1-8, 2011.
Matapos na makipag-ugnayan si VP Binay sa Saudi authorities, may 125 OFWs na nakakulong sa Saudi dahil sa iba’t ibang kasong petty crimes ang nabigyan ng amnestiya noong Abril. Kabilang sa mga nabigyan ng pardon ay ang isang OFW na nakulong bunsod ng drug case.
Ang pardon sa mga nakapiit na Pinoy ay bunsod umano sa pagsusumikap ni Binay na ipinadala ni Pangulong Aquino sa Saudi noong Marso upang sagipin ang mga nagigipit na OFWs.
Umapela na rin si Binay kay Sheikh Sabah Al Ahmad Al Jaber Al Sabah, ang Emir ng Kuwait upang mabigyan ng full pardon ang may 13 OFWs na nakapiit sa Sulaibya Central Jail, at sa repatriation ng 92 distressed workers.
Nitong nagdaang buwan, umaabot sa 600 OFWS ang “eligible” o kuwalipikado para sa pardon na may kinakaharap na petty crimes sa Saudi Arabia.