Empleyado ng Philpost, Customs huli sa pagbubukas ng padala

MANILA, Philippines - Iniimbestigahan na ng pamunuan ng Philippine Postal Corporation ang dalawang empleyado na nahuli sa closed circuit television na nagbubukas ng parcel sa Pasay City.

Kinilala ang dalawa na sina Lovilyn de Leon, Postman 1 ng Central Mail Exchange Center at Omar Said, examiner representative ng Bureau of Customs. Nahuli ang dalawa sa CCTV noong Biyernes sa PPC NAIA, Pasay City.

Ayon sa Philpost, mahigpit na ipinagbaba­wal ang pagbubukas ng anumang padala o parcel ng hindi kaharap ang may-ari nito. Anila, paglabag ito sa Postal Code of Procedures at Memorandum of Agreement sa pagitan ng Philpost at BOC.

Naniniwala naman ang Philpost na matagal nang nangyayari ang sistema kung kaya’t ginagawa nila ang lahat ng paraan upang hindi na maulit ang insidente.

Problema naman ng Philpost ang tambak na parcel na hindi pa nakukuha. Anila, nakikipag-ugnayan na sila sa Customs upang maimpormahan ang mga may-ari nito at agad na makuha ang parcel.

Show comments