MANILA, Philippines - Matapos ang pagkakasibak ng isang Philippine envoy sa Embahada ng Pilipinas sa Syria, minalas ding ma-recall ang isa pang ambassador sa magulong bansang Libya.
Kinumpirma kahapon ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez ang pagtanggal kay Ambassador Alejandrino Vicente sa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli dahil sa pagpapalit ng liderato ng Libya.
Sinabi ni Hernandez na inalis si Vicente dahil hindi siya accredited ng bagong pamunuan ng Libya na pinatatakbo ng National Transitional Council (NTC) na ngayon ay pormal na kinikilala ng Pilipinas.
Nabatid na hindi na kinikilala pa ng NTC ang mga opisyal na nakapasok mula sa liderato o termino ni Libyan President Moammar Gadhafi at damay dito ang mga foreign diplomats na nakatalaga sa iba’t ibang embahada sa Libya.
Sinabi ni Hernandez na agad na ipadadala ng gobyerno sa Libya ang bagong mapipiling ambassador na ia-akredito ng NTC.
Samantala, nakatakda nang magtapos ang serbisyo bilang Phl envoy sa Syria ni Ambassador Wilfredo Cuyugan sa susunod na linggo matapos na masibak sa puwesto dahil sa umano’y kahinaan nito sa pagbibigay serbisyo sa mga nagigipit na OFWs sa Syria at sa balitang hindi pag-uunawaan sa kanyang mga nakatataas na opisyal sa DFA.
Si Cuyugan ay pinalitan ni Charge de’ Affaires Ric Endaya na unang nagresponde kasama si Usec. Esteban Conejos Jr. sa Syria upang tumulong sa paglilikas ng mga Pinoy sa nasabing bansa.
May 562 Pinoy na umano ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang umuwi subalit hanggang ngayon ay wala pang napapauwi sa Manila simula nang ideklara ang alert level 3 o voluntary repatriation dahil na rin sa 90 porsyento sa may 17,000 OFWs sa Syria ay undocumented.