MANILA, Philippines - Nanawagan ang EcoWaste Coalition sa pamahalaan na seryosohin ang pagsugpo sa lantarang paggamit ng mga kabataan ng isang uri ng glue o solvent na mas kilala sa tawag na ‘rugby’ sa ilang pampubliko at matataong lugar sa Metro Manila.
Sinabi ni EcoWaste president Roy Alvarez, mistulang nagbubulag-bulagan na lamang ang mga awtoridad kahit mismong sa lansangan nagkalat ang mga sumisinghot ng rugby, na peligroso sa kalusugan ng mga gumagamit nito.
Isang flammable toxic liquid ang sangkap ng rugby na siyang nagpapa-adik umano sa sumisinghot nito. Ito ang kemikal na nakapipinsala sa utak ng tao, sa central nervous system at iba pang vital organs at nagpaparalisa sa kakayahan ng dugo na magdala ng oxygen sa buong katawan.
Kabilang ang rugby sa Table II ng 1988 UN Convention against Illicit Traffic in Narcotic Drugs and Psychotropic Substances maging sa ipinagbabawal na kemikal o droga sa bansa alinsunod sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 subalit hindi umano pinagtutuunan ng pansin ng mga alagad ng batas.
Ang pagsinghot ng toluene ay may maaaring makapinsala sa utak ng tao, kabilang ang central nervous system at iba pang vital organs, at nakakapagpabawas ng kakayahan ng dugo na magdala ng oxygen sa buong katawan.
Dismayado ang nasabing grupo dahil sa kabila ng ipinatutupad na ban sa over-the-counter sale ng rugby glue, sinabi ni Alvarez na marami pa ring kabataan, lalo na ang mga batang lansangan, ang patuloy na sumisinghot ng rugby.
Ilan sa mga lugar na maraming rugby boys ay sa ilalim ng LRT sa Sta. Cruz, Maynila at MRT sa Cubao, EDSA, Aurora Boulevard at Araneta Avenue at iba pang lugar tulad ng parke na tambayan ng mga batang lansangan.
Tinuligsa rin ng grupo ang pagbebenta ng mga hardware stores ng tingi-tinging rugby sa mga bata, na tila ba ito’y ordinaryong produkto na lamang. (Mer Layson/Ludy Bermudo)