MANILA, Philippines - Nilusob ng mga armadong rebelde ang Embahada ng Pilipinas sa Libya at dinukot ang isang Pinoy engineer sa Tripoli kahapon.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, puwersahang pinasok ng mga rebelde ang Embahada kung saan nanunuluyan at na-trap ang Rapid Response Team ng DFA na magsasagawa ng evacuation para sa mga naiipit na Pinoy at tinangay ang tatlong sasakyan.
Mabilis na nakapagtago sina Usec. Rafael Seguis, Ambassador Alejandrino Vicente at ibang embassy officers at mga staff sa ikalawang palapag ng Embahada at wala naman umanong nasaktan sa kanila.
Kinumpirma din ni Hernandez na isang Pinoy engineer na hindi tinukoy ang pangalan ang dinukot ng mga rebelde matapos na i-ransack ang tinutuluyan nilang housing unit na pag-aari ng British-owned First Engineering Company.
Nakikipag-ugnayan na ang Embahada sa kampo ng mga rebelde upang masagip ang nasabing Pinoy engineer.
Bagaman pinapayuhan ng Embahada na manatili ang may 1,600 Pinoy sa Tripoli sa kani-kanilang tahanan at pinagtatrabahuan ay hindi na rin sila ligtas matapos isa-isang inaatake at ninanakawan ng mga rebelde ang mga kabahayan at tanggapan.
May 90 porsyento na sa Tripoli, ang capital ng Libya na sinasabing balwarte ni Libyan President Moammar Gadhafi ang nakubkob at kontrolado na ng rebel groups.