MANILA, Philippines - May mahigit 1,600 Filipino kasama ang mga opisyal at staff ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli ang na-trap matapos na iatake at kubkubin ng mga rebeldeng grupo ang capital ng Libya na ngayon ay nasa kanila nang kontrol.
Sa isinagawang pulong balitaan kahapon sa Department of Foreign Affairs (DFA), kinumpirma nina DFA Assistant Sec. Antonio Rodriguez at Usec. Esteban Conejos Jr na matindi ang nagaganap na sagupaan sa Tripoli kaya ikinasa na rin nila ang ‘mandatory evacuation’ o force evacuation sa ilalim ng alert level 4 para sa may natitirang Pinoy sa Libya. Bukod sa 1,600 sa Tripoli ay may 700 pang Pinoy ang nasa Benghazi.
Ang Rapid Response Team ng DFA ay kasalukuyan nang nasa Djerba upang i-assist ang Embahada sa ginagawang evacuation. May 24 oras umano ang kanilang monitoring upang matantya kung lalong magiging matindi ang sitwasyon sa Libya.
Inihayag din ni Phl Ambassador to Libya Alejandrino Vicente sa isang radio interview na hindi sila makalabas sa Embahada dahil na rin sa matinding putukan simula noong Sabado at nagtagumpay ang rebel groups na makuha ang capital ng Libya. Ito ay kasunod nang pagkaka-aresto sa dalawa umanong anak ni Libyan President Moammar Gadhafi.
Nauna rito, inatasan ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario si Usec. Rafael Seguis na tumungo sa Libya noong Agosto 12 upang kumbinsihin ang mga Pinoy na karamihan ay medical workers na agad na lumikas. Unang isinagawa ang evacuation noong Pebrero, 2011 sa kasagsagan ng pag-atake ng US joint forces na sinundan ng NATO forces dahil sa pagpapatupad ng resolusyon ng United Nations na “no fly zone” sa Libya.
Kinausap na nina Seguis at Vicente ang International Organization or Migration (IOM) na nangangasiwa sa evacuation at nabigyan ng 400 seats ang mga Pinoy evacuees sa isang barkong inupahan ng IOM. Makakasabay ng mga Pinoy na lilikas sa Tripoli sakay sa nasabing barko ang iba pang dayuhang manggagawa. May 86 Pinoy na ang nagpatala na lilikas sa Libya pauwi sa Pilipinas.
Nakipagpulong na rin si Seguis sa Libyan Foreign Ministry upang makuha ang apat pang OFWs na iniipit ng kanilang employer na pamangkin ni Gadhafi upang hilingin na iturn-over na ang mga ito sa Embahada.
Ang kapatid ng isa sa nasabing apat na overseas Filipino Workers ang tumungo kahapon sa DFA at hiniling na iligtas ang apat matapos na lalong tumaas ang banta sa kanilang seguridad.
Samantala, nakakasa na ang paglilikas sa may 17,000 Pinoy sa Syria matapos na tumindi ang kaguluhan sa nasabing rehiyon.
Sinabi ni Conejos na kadarating lamang mula sa Syria na may 190 Pinoy na ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang umuwi sa bansa kasunod ng pagtaas sa alert level 3 para sa crisis situation sa Syria. Mauunang umuwi ang may 58 OFWs na naklaro na ang kanilang mga exit visas.
Patuloy umano ang pakikipag-negosasyon ng Embahada sa mga employer ng mga Ofws na iniipit ng kanilang amo upang pumayag na makauwi ang mga ito. Umaabot sa $5,000 hanggang $6,000 ang hinihingi ng mga employer para sa unfinished contract ng mga OFWs. May 90 porsyento mula sa 17,000 Pinoy ang sinasabing undocumented na hindi papayagang makalabas sa Syria hanggang walang exit clearance mula sa kani-kanilang amo.