MANILA, Philippines - Dahil na rin sa patuloy na pagdami ng bilang ng kaso ng dengue, isang Tsinay ang nagbahagi ng kanyang “sikretong gamot “ na tinatawag na “pige soup” na mainam raw sa sakit na dengue.
Ibinahagi ni Sandra Pua, 54, ng Binondo kay Manila Mayor Alfredo Lim ang umano’y epektibong paraan upang mapataas ang bumabang platelet counts.
Ayon kay Pua, umabot sa 59 ang platelet count ng kanyang anak ng ma-confine ito sa Metropolitan Hospital.
Sinabi naman ni Dr. Teodoro Martin, director ng Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH), na 150-200 ang normal na platelet counts.
Laking gulat na lamang niya nang biglang tumaas ang platelet count ng anak matapos niyang painumin ng “pige soup”.
Ang dapat lang gawin ay bumili ng isang kilo ng pige ng baboy na pakukuluan sa loob ng limang minuto para maalis ang mga dugo at pagkatapos ay muling hugasan at lagyan ng ¾ na tubig base sa sukat ng kaldero.
Pakuluin ng may 2 oras. Sa sandaling magkulay gatas na ang sabaw, palamigin at ilagay sa refrigerator. Kapag buo na ang sebo tanggalin at saka painiting muli ang natirang sabaw.
Wala umanong dapat ilahok na “seasoning” sa natirang sabaw na siyang ipainom sa pasyenteng may dengue.
Ilang beses na umano niyang nakitang epektibo ang “pige soup”, dahil isang pasyente na bumagsak sa 29 ang platelet counts ang napataas sa 200 platelet counts makaraang painumin ng pige soup.
Samantala, sa kabila ng zero dengue ang Maynila, hinikayat pa rin ni Lim ang mga residente na maging malinis sa kanilang kapaligiran partikular na sa mga pinamumugaran ng lamok.
Sinabi pa ni Lim na mas makabubuti kung suotan ng mga pajama o mahabang de mangas na damit ang mga bata kung nasa bahay lamang bilang paraan ng pag-iingat sa dengue.