MANILA, Philippines - Hindi umano kritikal si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kaya maaari ng ituloy ang ikatlong operasyon nito sa susunod na linggo.
Sa medical bulletin na inilabas ni Dr. Juliet Cervantes, isa sa attending physician ng mga Arroyo, natuklasan ng mga espesyalista sa St. Luke’s Medical Center na hindi impeksyon ang sanhi ng pagkabigo ng pagkapit ng ikinabit na “titanium implant” sa cervical spine nito.
Ipinaliwanag nito na patuloy nilang nireremedyuhan ang namuong impeksyon sa operasyon sa gulugod ni Arroyo sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng antibiotics ngunit hindi umano ito ang sanhi ng paghulagpos ng ikinabit nilang titanium implant kundi sa nakita nilang mababang kundisyon ng buto ng kanilang pasyente.
Nadiskubre ng mga espesyalista na may medical condition na “hypoparathyroidism” ang dating Pangulo na hindi nila nakita sa medical history nito noong mga nakaraang taon dahil sa pawang normal naman ang “bone density at calcium level” nito.
Base sa “Wikipedia”, ang hypoparathyroidism ay ipinaliwanag na “decreased function of the parathyroid glands, leading to decreased levels of parathyroid hormone (PTH). The consequence, hypocalcaemia, is a serious medical condition.” Ang PTH naman ang nagpapataas ng konsentrasyon ng calcium sa dugo ng tao na nagpapatibay sa buto.
Masyado na umanong mababa ang ‘calcium level” ni Arroyo na kanilang nireremedyuhan sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag na calcium sa katawan ng pasyente. Binibigyan na rin umano nila ng mga “raw bone materials” ang pasyente upang mapalakas ang buto nito.
Kasalukuyan naman umano na nasa maayos na kundisyon si Rep. Arroyo na nagagawa namang makapaglakad-lakad at makapagbasa ngunit hindi pa rin maaaring tumanggap ng bisita maliban sa unang pamilya nito.