MANILA, Philippines - Ginastos ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang bahagi ng pondo ng presidential social fund na para sa papalit sa kanyang administrasyon.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations, sinabi ni Commission on Audit chair Maria Gracia-Pulido-Tan na ibinigay na ng Philippine Gaming and Amusement Corp., ang “advance remittance” nito sa Presidential Social Fund na nagkakahalaga ng P98.3 milyon.
“We have the same figures, you honors. The Presidential Social Fund has duly received P98.3 million of advanced remittance for June from PAGCOR,” ani Pulido-Tan sa pagdinig ng budget ng COA na nagkakahalaga ng P4.784 bilyong pondo nila sa susunod na taon.
Hindi pa umano dito kasali ang P345 milyon na inilagay sa President’s Social Fund, ayon kina Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares na umano’y ginamit para pondohan ang congressional election ni Mrs. Arroyo sa Pampanga at sa reelection ng kanyang anak na si Diosdado sa Camarines Sur.
“The fact that she advanced these funds, she has to face administrative liabilities... It’s inappropriate for a president to use the funds that isn’t hers, that belongs to the next president. President Aquino should have gotten the new funding,” ani Colmenares.
Nauna ng inakusahan ni Colmenares si Arroyo na namigay umano ng tig-P1 milyon sa 159 barangay sa ikalawang distrito ng Pampanga kung saan siya tumakbong kongresista.