MANILA, Philippines - Maaari ng tawaging senador at makadalo sa sesyon sa Lunes si Atty. Aquilino “Koko” Pimentel III matapos itong iproklama kahapon bilang nanalong senador noong 2007 senatorial elections ng Senate Electoral Tribunal.
Tumagal ng halos apat na taon ang inihaing election protest ni Pimentel na napabilis lamang ng magbitiw sa kaniyang tungkulin si dating Senator Juan Miguel Zubiri matapos lumutang ang ilang testigo gaya nina dating election officer Lintang Bedol at dating ARMM governor Zaldy Ampatuan na nagpapatunay na nagkaroon nga ng dayaan.
Sa isinagawang deliberasyon kahapon ng mga miyembro ng SET sa Hotel Sofitel, mas kinatigan na nila ang protesta ni Pimentel lalo pa’t binawi na ni Zubiri ang kaniyang counter-election protest makaraang magbitiw sa puwesto.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may iprinoklamang senador ang SET matapos magbitiw ang isang senador na papalitan sa puwesto.
Si Pimentel ay anak ni dating senator Aquilino “Nene” Pimentel Jr., na nagsilbing senate minority leader bago matapos ang kaniyang termino.
Matatandaan na sina Zubiri at Pimentel ang naghabulan sa pang-12 puwesto sa senatorial elections noong 2007 kung saan nakakuha ang una ng 11,005,866 na boto kontra kay Pimentel na 10,987,347 na boto.
Aabot na lamang sa isang taon at 10 buwang manunungkulan si Pimentel bago ang election sa 2013.
Sa Mati, Davao del Sur manunumpa si Pimentel bilang senador kung saan nakakuha umano siya ng malaking boto.