MANILA, Philippines - Umapela kahapon sa publiko si Manila Mayor Alfredo Lim sa mga may nalalaman sa naganap na dayaan sa 2004 elections na lumantad at isiwalat ang nalalaman para matuldukan ang isyu ng dayaan.
Inihayag ito ni Lim sa mismong programang isinagawa sa monumento ni dating Pangulong Corazon C. Aquino, kahapon, sa Ninoy-Cory Aquino Park sa Ermita, Maynila sa paggunita ng ika-2 taong kamatayan ng ina ni Pangulong Noynoy Aquino.
Anang alkalde, mahalaga na magkaroon ng closure ang isyu upang hindi na maulit pa sa susunod na mga halalan.
Kabilang sa dumalo ang daang estudyante ng lungsod, mga opisyal ng Manila City Hall, Representatives Naida Angping at Atong Asilo, ilang EDSA personalities tulad nina ret. Gen. Jose Angel Honrado, ang kasalukuyang general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA), Senate President Franklin Drilon, dating, Senator Aquilino Pimentel, National Historical Commission chairman Ludovico Badoy, Cris Carreon at Metropolitan Manila Development Authority chairman Francis Tolentino at Defense Secretary Voltaire Gazmin.