MANILA, Philippines - Naghain kahapon si dating Police Colonel Michael Ray Aquino ng “not guilty” plea sa Manila Regional Trial Court kaugnay ng kasong pagpaslang sa publicist na si Salvador Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.
Kasama ni Aquino ang abogado niyang si Joel Bretana nang ihain niya ang kanyang plea sa sala ni MRTC Branch 32 Judge Thelma Bunyi-Medina.
Naunang hiniling ni Aquino sa korte na iutos ang panibagong imbestigasyon sa Dacer-Corbito murder case at palawigin ang kanyang pananatili sa kulungan ng National Bureau of Investigation.
Kabilang si Aquino sa isinangkot sa pagdukot at pagpaslang kina Dacer at Corbito noong Nobyembre 2000 na sinasabing isinagawa ng buwag na ngayong Presidential Anti-Organized Crime Task Force na pinanguluhan ng noon ay hepe ng Philippine National Police na si Senador Panfilo Lacson.
Kumpara sa naunang pagdinig, kapansin-pansin na hindi nakasuot ng bulletproof vest at hindi rin nakaposas si Aquino na ineskortan ng mga ahente ng NBI.
Hindi pa rin pinayagan ang media na i-cover ang pagdinig at sa labas ng korte naghintay na matapos.