MANILA, Philippines - Nais ni Senator Antonio Trillanes IV na gawing krimen at parusahan ang hindi tamang paggamit ng mga laser device.
Naisip ni Trillanes na isulong ang panukalang batas matapos mapaulat ang magkakasunod na pag-atake sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) gamit ang mga laser devices.
Ilang piloto na umano ang nagreklamo hinggil sa insidente kung saan direktang tinamaan ang kanilang mata ng laser beam habang papalapag ang minamaneho nilang eroplano sa Runway 06-24 sa NAIA.
May mga kahalintulad na ulat din ng pag-atake gamit ang mga laser beam sa ibang bansa gaya ng Russia kung saan mahigit 30 ang naging biktima ng ganitong pag-atake. Ang mga naturang insidente ay nauwi sa pagpapasa ng batas ukol sa kriminalisasyon ng mga nasabing pag-atake.
Sa inihain nitong Senate Bill 2888, sinabi ni Trillanes na ang naturang uri ng pag-atake ay ituturing na “assault” at “aggravated assault” na may mga karampatang parusa.
Ayon sa panukalang batas, ang pag-atake gamit ang laser device ay isinasagawa ng mga taong gumagamit ng laser pointer, pen at ibang kahalintulad na device na nakaaabala o nakaiistorbo at maaring ikapahamak ng ibang tao.
Ang mga mapatutunayang nagkasala ay sasailalim sa pagkakakulong ng mula tatlong buwan hanggang anim na taon at pagmumultahin ng P10,000 hanggang P100,000.
Ipinaliwanag din ng senador na ang mga ganitong uri ng pag-atake ay hindi lamang nagdudulot ng kapahamakan at pagkasira ng ari-arian kundi pati na rin matitinding aksidente at kalunos-lunos na trahedya na maaring kumitil sa maraming buhay.