MANILA, Philippines - Bagaman ikinalulungkot ang insidente, minamantini ng Malacanang ang “posthumous” clemency na matapat na iginawad ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang bilanggong pulitikal sa buwang ito.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hindi alam ng Pangulo na ilang araw nang patay ang presong si Mariano Umbrero bago nilagdaan ang kautusang nagbibigay rito ng clemency.
Sinabi pa niya na walang nagpasabi sa Office of the President hinggil sa pagkamatay ni Umbrero.
Ang pinakamagandang magagawa anya ng pamahalaan ay isaayos ang mga panuntunan para hindi na ito maulit.
Namatay sa sakit na lung cancer si Umbrero noong Hulyo 15 pero noon lang Hulyo 19 nalagdaan ng Pangulo ang release paper nito,” sabi ni Emmanuel Amistad, executive director ng Task Force Detainees of the Philippines.
Nakulong si Umbrero dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention. Pinagtibay ng Supreme Court ang sentensiyang iginawad sa kanya ng Aparri Regional Trial Court.
Si Umbrero ang kauna-unahang preso na nabigyan ni Pangulong Aquino ng executive clemency pero hindi niya ito napakinabangan matapos pumanaw bago pa man nakalaya.