MANILA, Philippines - Nagkaisa ang daan-daang Barangay Chairmen sa Pasay city na lumagda sa isang manifesto bilang pagpapakita ng suporta kay Mayor Antonino Calixto kaugnay sa kinakaharap na kaso sa tanggapan ng Ombudsman.
Pinangunahan nina Chairman Caloy Lipnica ng Barangay 7 at Chairwoman Julie Gonzales ng Barangay 173, kasama ang may 163 pang kabesa sa paglagda sa manifesto na kanilang ipinagkaloob sa alkalde noong Lunes ng umaga.
Ayon kay Gonzales, walang katotohanan at paninirang puri lamang ang ibinibintang sa kanilang alkalde ng kanyang mga nakalaban sa pulitika na hindi umano matanggap ang kanilang pagkatalo.
Magugunita na sinampahan ng kasong katiwalian at direct bribery ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan sina Calixto na noon ay bise alkalde pa ng lungsod, dating Mayor Wenceslao Trinidad at walo pang konsehal, pati na ang limang contractor kaugnay sa umano’y ma-anomalyang kontrata sa paghahakot ng basura.
Sinabi naman ni Chairman Lipnica na buo ang kanilang suporta sa alkalde dahil sa simula pa lamang ng panunungkulan ay tinupad na ang pangako para sa kapakanan at kabutihan ng lungsod.
Nakasaad pa sa nilagdaang manifesto ang panawagan ng mga kabesa na tigilan na ang pamumulitika dahil nagdudulot lamang ito ng pagka-diskaril sa mga magagandang proyekto ng lokal na pamahalaan sa lungsod.
Labis namang pinasalamatan ni Calixto ang mga barangay chairmen, pati na ang mga kagawad sa ipinamalas na suporta at tiniyak na hindi matitinag ng mga paninira ang kanyang magagandang programa sa lungsod lalu na’t nasa likod niya ang mga kabesa.