MANILA, Philippines - Hindi na interesado si Pangulong Aquino na iapela pa sa Korte Suprema ang pagbuo ng Truth Commission matapos itong ideklarang unconstitutional ng SC.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa ambush interview kahapon sa SMX Mall of Asia, ipauubaya na lamang niya sa Ombudsman ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga anomalya sa gobyerno partikular sa nakaraang administrasyon.
Aniya, ang mga impormasyon at ebidensiya na nakalap ng Truth Commission ay isusumite na lamang sa Ombudsman para ito na ang mag-imbestiga.
“We cannot do anything more. The Supreme Court has already ruled and we have to follow that,” dagdag pa ng Pangulo.
Nanumpa na rin kahapon kay Pangulong Aquino bilang bagong Ombudsman si retired SC Justice Conchita Carpio-Morales na ginanap sa Malacanang.
Inaasahan naman ng Palasyo na maibabalik ang ‘rule of law’ sa office of the Ombudsman sa ilalim ng liderato ni Morales.