26 patay kay Juaning!

MANILA, Philippines - Umaabot na sa 26 katao ang nasawi kabilang ang ina ni Albay Governor Joey Salceda, habang 31 ang sugatan at 9 pa ang nawawala sa paghagupit ng bagyong Juaning na nagdulot ng flashflood at landslide partikular na sa Bicol Region.

Bandang alas-2 ng madaling araw nitong Miyerkules sa kasagsagan ng pananalasa ni Juaning ng madulas sa basang hagdanan bunga ng paghampas ng ulan  sa may bintana ang ina ni Salceda na si Doña Cielo Sofia Sarte Salceda, 91, sa kanilang tahanan sa Polangui, Albay na binalot ng blackout.

Ang matanda ay patungo sana sa comfort room ng mangyari ang insidente sa kainitan na rin ng himutok ni Gov. Salceda sa PAGASA dahil hindi umano kaagad isinama sa storm signal ang Bicol Region na siyang sentro ng hagupit ng bagyo.

Dahil dito, nabagok ang ulo ng matanda sa semento at bagaman nagawa pang maisugod sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ay binawian din ng buhay dakong alas-7 ng umaga kahapon dulot ng internal hemorrhage.

Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) V Director Rafael Alejandro na sa Bicol Region pa lang ay 20 na ang nasawi hindi pa kabilang dito ang ina ni Salceda. Sa 20 death toll ay siyam sa Albay, dalawa sa Camarines Sur, lima sa landslide sa Camarines Norte at apat sa Catanduanes.

Nasa 107,938 pamil­ya naman ang apektado; 21,417 sa Camarines Sur at 123 sa Camarines Norte.

Ayon naman kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, nadagdag sa talaan ng mga nasawi ang mag-asawa at tatlo nilang anak na nahukay ang mga bangkay dakong ala-1 ng madaling araw kahapon matapos matabunan ng lupa ang kailang bahay ng gumuho ang bundok sa likuran ng kanilang tahanan ganap na alas-11:30 ng gabi sa sa Brgy. Sta. Rosa Norte, Panganiban, Camarines Norte.

Kinilala ang mga nasawi na sina Alfredo Casero, 62 anyos, asawang si Ofelia, 56 at mga anak na sina Richard, 23, Marian, 18 at Edgar, 1 anyos.

Namatay naman sa pagkalunod ang 13-anyos na si Cristy Mesa, ng Brgy. Sto. Nino, Mulanay, Quezon.

Ang iba pang mga nasawi ay 2 sa Catanduanes, isa sa Camarines Sur, 2 sa Cavite, isa sa Marinduque at isa sa Iloilo. Kabilang sa nawawala ang 9-anyos na batang lalaki na sinasabing natangay ng malakas na agos ng ilog habang naliligo sa Lucena City, Quezon.

Sa ulat, may mga punong nabuwal at dalawang bahay ang tuluyang nawasak sa nangyaring buhawi sa mga bayan ng Basud, Labo,  Panganiban at Vinzons pawang sa lalawigan ng Camarines.

Ang bagyong Juaning ay nag-landfall sa lalawigan ng Aurora dakong alas-9:30 ng umaga at inaasahang lalabas sa bisinidad ng Dagupan City ngayong Huwebes ng umaga patungo sa South China Sea.

Ang lakas ng bagyo ay naramdaman sa buong Luzon kabilang ang Metro Manila at magdudulot rin ng mga pag-ulan sa Visayas Region.

Idinagdag pa ni Ramos na hinihintay ng pamahalaan na gumanda ang panahon upang maka­lipad ang mga chopper ng Phil. Air Force upang maghatid ng relief goods sa mga apektadong residente. 

Show comments