MANILA, Philippines - Binalaan ni Batangas Rep. Hermilando Mandanas ang Malacañang na kung hindi nito itataas sa P60 billion ang internal revenue allotment (IRA) sa susunod na taon ay hindi aaprubahan ng Kongreso ang 2012 national budget.
“Congress cannot pass any legislative measure, including the 2012 General Appropriations Act (GAA), which is contrary to the Constitution, the National Internal revenue Code (NIRC) of 1997, as amended and the Local Government Code,” sabi ni Mandanas, House Ways and Means Committee chairman.
Ayon kay Mandanas, ilang beses ng hindi isinasama sa computation ng IRA ang share o parte ng local government units (LGUs) sa tax na nakokolekta ng Bureau of Customs simula pa noong 1992 na umaabot na sa P500 bilyon.
Ang proposed budget na nilaan para sa IRA sa susunod na taon ay P273 bilyon lamang.
Binanggit ni Mandanas na noong gobernador siya ng Batangas, personal niyang idinulog sa Supreme Court ang hindi pagbibigay sa LGUs ng kanilang IRA, na pinaboran naman ng SC.
Sa desisyon ng SC, ang IRA ng LGUs ay hindi puwedeng taasan o bawasan, partikular ang GAA dahil ang share ng local governments sa pambansang pondo ay pinagtibay na ng Local Government Code.
“We now have the opportunity to rectify this erroneous practice by giving to the LGUs what is due them,” sabi pa ni Mandanas.