MANILA, Philippines - Umabot na sa 98 katao ang nasawi sa magkasunod at magkahiwalay na pambobomba at pamamaril sa Oslo, Norway.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, hanggang kahapon ay wala pang ulat na natatanggap na may Pinoy na naging biktima ng dalawang pag-atake sa Oslo.
“As of this time, initial report from our embassy in Oslo to DFA states no Filipinos adversely affected by the recent bombing and shooting incidents that took place in Oslo,” ayon sa DFA
Base sa report, 85 katao ang kumpirmadong nasawi sa Utoeya Camp noong Biyernes, ilang oras lamang matapos ang pambobomba sa isang government quarter sa Oslo sanhi ng pagkamatay ng pito pang katao. May anim na katao ang sinasabing nawawala, apat dito sa nasabing isla na hinihinalang lumusong sa dapat upang makaiwas sa pamamaril ng suspek ang idineklarang presumed dead.
Ang mga biktima sa isla ay karamihang teenagers na edad 15-19 na nagsasagawa ng pagtitipon sa nasabing youth camp.
Ang nag-iisang suspek na nakilalang si Anders Behring Breivik, 32-anyos, isang Noreigian ay sumuko sa mga nagrespondeng pulis nang marating ang isla matapos ang 45 minutong paglalayag sa dagat. Siya ay kinasuhan na multiple murder sa korte.
Bago ang pambobomba at pamamaril ay bumili pa si Breivik ng anim na toneladang fertilizer na posibleng ginamit sa pambobomba.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang DFA sa pamamagitan ng Embahada sa mga pamilya ng mga biktima na nagtipun-tipon at nagluksa sa isang misa na dinaluhan ng mga lider ng Norway sa Oslo Cathedral kahapon.