MANILA, Philippines - Naniniwala ang isang obispo na sarado na ang usapin sa pagitan ng Malakanyang at Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) hinggil sa kontrobersyal na Reproductive Health (RH) bill.
Ayon kay Malolos Bishop Jose Oliveros, chairman ng Espicopal Commission on Bioethics ng CBCP, naka-set na ang isipan ni Pangulong Aquino sa pagsusulong ng RH bill kaya naniniwala itong wala nang pag-asa pang matuloy ang anumang dyalogo.
Anang Obispo, talagang pabor ang Pangulo sa RH bill at very combative siya sa pagsusulong upang maisabatas ang RH bill.
Sa kabila nito, tiniyak ni Oliveros na sa panig ng Simbahang Katoliko ay hindi magbabago ang pagtuturo nila kung ano ang katotohanan. Aniya, marami pa rin ang hindi nakakaintindi ng tunay na epekto nito kaya idadaan na lamang nila sa pagdarasal at panalangin na sana ay mabigyan ng linaw ang isipan ng mga nagsusulong ng RH bill.