MANILA, Philippines - Balik kulungan na si suspended Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) governor Rizaldy Ampatuan matapos ma-confine ng dalawang araw sa Philippine Heart Center dahil sa sakit sa puso.
Ganap na alas-12:45 ng hapon nang simulang ilabas ng PHC si Zaldy matapos na hindi makakuha ng extension mula sa korte para magtagal pa ng ilang araw dito.
Humirit pa ang abogado ni Ampatuan na mapahaba pa sana ang pananatili nito sa ospital pero hindi na ito pinagbigyan ni Quezon City Regional Trial Court (QC-RTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes.
Bago nilisan ni Ampatuan ang ospital ay binayaran muna umano ng BJMP ang hospital bills nito.
Pasado ala-1 ng hapon nang dumating sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Zaldy kasama ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), PNP at QCPD.
Ayon kay BJMP director Rosendo Dial, si Zaldy ay sakay ng kanilang ambulansya, na may back-up pang ambulansya mula sa Heart Center at apat na BJMP mobile nang ihatid sa naturang lugar.
Samantala, hiniling ng kampo ng mga biktima ng Maguindanao massacre sa korte na kasuhan ng “contempt” ang panig si Zaldy Ampatuan dahil sa paghingi ng mas matagal na pananatili sa pagamutan at maging si Quezon City Jail Annex warden, Chief Insp. Bernardino Edgar Camus dahil sa pagpayag na manatili ang dating gobernador ng dalawang araw sa ospital.
Isinampa ang reklamo ni Atty. Harry Roque na nirerepresenta ang isa niyang kliyente na si Editha Tiamzon, misis ng nasawing si Daniel Tiamzon ng UNTV. Base sa reklamo, kapwa inabuso umano nina Ampatuan at Camus ang kautusan ng korte na “out-patient” lamang ang status ng pagtungo nito sa pagamutan.
Tila nawalang saysay naman ang naturang apela makaraang payagan ni Judge Solis si Zaldy na manatili hanggang kahapon ng tanghali sa Philippine Heart Center upang makumpleto ang lahat ng pagsusuri matapos na ma-diagnose ng sakit na “acute coronary syndrome.”