MANILA, Philippines - “Wala akong dapat patunayan!”
Ito ang inihayag kahapon ng legal spokesman ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang tugon sa hamon ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na patunayan nito ang kaniyang mga batikos laban sa administrasyong Aquino.
Binigyang-diin ni Atty. Raul Lambino na si Lacierda na mismo ang nagsabing ang lahat ng mga naglalabasan ngayon sa media tungkol kay Arroyo ay galing sa Malacañang.
“Si Lacierda at iba pang mga taga-Malacañang ang masigasig na maibaling ang atensyon ng Sambayanan sa kanilang mga pag-atake sa dating pangulo,” ayon kay Lambino.
Idinagdag pa ni Lambino na ang pahayag ni Lacierda na tumahimik siya ay kasama ng iba pang pananakot na natatanggap na niya sa mga nakaraang araw.