MANILA, Philippines - Hindi pa nakatatanggap ang Bureau of Immigration (BI) ng kautusan mula sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa posibleng paglalagay sa pangalan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa ‘watchlist’ o listahan ng mga indibidwal na hindi papayagang lumabas ng bansa nang walang pahintulot ng pamahalaan.
Nabatid sa BI na naghihintay pa rin ang tanggapan ng Legal and Investigation Division ng memorandum order mula kay Justice Secretary Leila de Lima upang atasan ang immigration na ilagay sa watchlist si Arroyo.
Sinabi ni BI legal chief Arvin Santos, hindi basta-basta mailalagay ang pangalan ni Arroyo sa watchlist order nang walang kautusan mula sa kagawaran.
Batay sa impormasyon, magkaiba ang hold departure order (HDO) sa watchlist. Ang HDO ay inilalabas ng regional trial courts, at ng DOJ samantalang ang watchlist naman ay inilalabas lamang ng kagawaran. Ang kawanihan ang nagpapatupad sa HDO at watchlist na inilalabas ng husgado at kagawaran.
Nauna nang kinonsidera ni de Lima na ilagay ang pangalan ni Arroyo sa watchlist order ng kawanihan kasunod na rin ng patuloy na pagkaladkad sa pangalan ng kongresista sa mga umano’y katiwalian sa nakalipas na 2004 at 2007 elections, gayundin ang pagkakasangkot umano nito sa paglustay ng intelligence fund ng PCSO.