MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na mananatili ang Manila Zoo hangga’t siya ang alkalde ng lungsod.
Ang paniniyak ay ginawa ni Lim, kasabay ng patuloy na pangangalaga ng administrators at staff ng Manila Zoological and Botanical Garden sa ilalim ni Parks and Recreation Bureau director Engineer Deng Manimbo sa mga hayop sa Manila Zoo.
Ayon kay Lim, ang lahat ng mga hayop sa Manila Zoo ay naalagaan na at sanay sa lugar.
“Magiging strangers in paradise lang sila dun dahil sanay na silang may nagpapakain sa kanila at nag-aalaga. Hindi biro ang pinakakain sa mga ’yan,” ani Lim.
Nabatid kay Lim na 50-taon na ang Manila Zoo kung saan isang pasyalan ng pamilya bukod pa sa nagagamit sa mga field trip ng mga paaralan.
Giit ni Lim na maraming nang nag-alok sa kanya na bilhin ang Manila Zoo kabilang na ang paglilipat nito sa Cavite, subalit tinanggihan niya ang mga ito.
Ang entrance rates sa Manila Zoo ay mula sa P40 para sa mga matatanda, at P20 sa mga bata habang may special discounts sa mga residente, senior citizens at may mga kapansanan.