MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Palasyo na hindi na kailangan ang loyalty check sa Armed Forces of the Philippines (AFP matapos kumalat ang video ni Marine Col. Generoso Mariano na nanawagang patalsikin si Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nagsalita na ang AFP leadership at tiniyak na nag-iisa lamang si Col. Mariano na may ganitong sentimyento.
Wika pa ni Valte, tiwala silang ipagtatanggol ng mga sundalo ang Konstitusyon at hindi ito makikialam sa pulitika.
May hinala ang Palasyo na mayroong personalidad na gumagamit kay Mariano pero hindi nila tinukoy kung si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ito.
“But obviously, nag-iisa ho siya--siya lang po ‘yung nagpapakalat po ng mga alegasyon na ito and he was investigated because alam po ng ating kasundaluhan nga that their duty is really to uphold the Constitution and not to engage in politics. Hindi po natin alam kung ano po ang iniisip niya ‘non but obviously it’s to further someone else’s interest. Hindi po kami nababahala—sinabi na po ng leadership ‘yan ng AFP that hindi po tayo nababahala and these are only his own sentiments and not the sentiments of the others,” ani Valte.
Nilinaw din ni Valte na hindi si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kanilang pinagbibintangang nasa likod ng video ni Marine Col. Generoso Mariano na nanawagang patalsikin si Pangulong Benigno Aquino III.
Winika ni Usec. Valte, ang kanyang sinabi lamang matapos magretiro si Col. Mariano ay puwede na siyang mag-full time sa pagtatrabaho kay GMA.
Minaliit din ni Valte ang ginawang panawagan ni Mariano dahil isolated case lamang ito dahil mayorya ng sundalo ay kontento sa pamamahala ni Pangulong Aquino.
Agad hinamon ng kampo ni GMA sa pamamagitan ng spokesman nitong si Atty. Raul Lambino ang Palasyo na maglabas ng ebidensiya sa kanilang akusasyon na ang dating lider ang nasa likod ng nasabing opisyal.
Samantala, kinontra naman ni Sen. Antonio Trillanes IV ang pagsasagawa ng loyalty check sa military kaugnay ng panawagan ni Mariano.
Aniya, maituturing na personal lamang ang reklamo ni Mariano at hindi nito sinasalamin ang pulso ng miyembro ng AFP.
Maging sina Senate Majority Leader Vicente Sotto III at Sen. Francis Pangilinan ay hindi din pabor na magsagawa ng loyalty check sa AFP dahil lamang sa ginawa ni Mariano.