MANILA, Philippines - Nagbigay ng direktiba si Manila Mayor Alfredo S. Lim sa anim na city-run hospitals na pagbawalang tumambay o pumasok sa compound ng ospital ang mga ahente ng punerarya.
Ito’y matapos makatanggap ng ulat ang alkalde hinggil sa pagala-gala umanong mga ahente at nangungulit ng mga kaanak ng naghihingalo pa lamang na pasyente.
“Yang mga `yan, ang gawain eh magtatanong-tanong kung sino na ang malapit mamatay. Naghihingalo pa `yung kaanak, kinakausap na `yung pamilya,” ani Lim nang pulungin ang mga director ng Ospital Ng Maynila, Sta. Ana Hospital, Gat Andres Bonifacio Hospital, Ospital ng Tondo, Jose Abad Santos Mother and Child Hospital at Sampaloc Hospital.
May mga pagkakataon pa umano na sinasamantala ng mga ahente ang pagdadalamhati ng pamilya para papirmahin sa kanilang serbisyo.
“Iduduldol sa pamilya ng namatayan `yung kontrata at palibhasa tuliro `yung mga tao, pumipirma,” dagdag pa ni Lim.
Isa rin umanong malaking insulto sa mga doctor at hospital personnel ang ginagawa ng mga ahente dahil sinuman sa kanila ay masaya kung ta gumpay at nakapagpagaling ng pasyente kaysa sa mamatayan.