MANILA, Philippines - May 120 Pinoy ang inaresto ng Dubai Police matapos umanong ilegal na nagtatrabaho sa United Arab Emirates (UAE).
Ayon kay Phl Consul General to Dubai Benito Valeriano na sumasailalim na sa imbestigasyon ng Dubai Police at UAE Immigration ang 120 OFWs na nakapiit ngayon sa Al Aweer Detention Center sa Dubai matapos maaresto noong Hulyo 6.
Sinabi ng DFA na ang mga mapapatunayang ilegal na nagtatrabaho sa UAE ay ipadedeport habang palalayain naman ang may mga kaukulang dokumento o work permits.
Sinabi ni Valeriano na inaresto ang mga Pinoy habang sakay ng tatlong bus patungo sa mga event o pagtitipon sa Dubai Mall, Dubai World Trade Center at Al Ghurair’s mall upang magtrabaho bilang mga part time service crew.
Karamihan umano sa mga Pinoy na pumapasok sa UAE ay nagtataglay ng tourist/visit visa at kapag nasa Dubai na ay mag-aaplay naman ng employment visa upang makapag-trabaho.
Sinabi ng DFA na nakikipag-ugnayan na ang Konsulado sa UAE authorities upang makalabas sa piitan ang mga inarestong OFWs.